-- Advertisements --

Hindi pa rin umano magbabago ang pag-indorso kay Sen. Christopher “Bong” Go ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ng presidente nito na si Energy Sec. Alfonso Cusi.

Sa liham na pirmado ni Cusi, sinabi ng kalihim na bilang bahagi ng PDP Laban National Executive Council (NEC), nakikita nilang karapat-dapat si Go na maging standard bearer ng grupo para sa 2022 presidential elections.

Giit ng kalihim, nakita nila ang lahat ng kalidad ng isang kandidatong papalit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ginagawa ni Go.

Anila, ang dating special assistant to the president ang “logical successor” ng kasalukuyang chief executive.

“The NEC understands your position. Nevertheless, we are determined to endorse you as PDP Laban candidate for President of the Philippines in the coming National Elections. We trust and believe in your leadership qualities – which, among others, are: humility, sincerity, strong political will, honesty, good sense of justice, and innate goodness and
goodwill towards your fellowmen, as exemplified by your Malasakit Centers,” wika ni Cusi.

Pero para kay Go, una nang sinabi nito na mas nararapat na maging presidential candidate ang tunay na interesado para sa nasabing posisyon.

Nagpasalamat din ang senador sa tiwala ng kaniyang mga kasamahan sa partido.

Sa huli, umaasa pa rin si Cusi na iri-rekonsidera ni Go ang desisyon nito sa mga darating na araw.

Habang sa panig naman si Sen. Manny Pacquiao, na presidente naman ng isa pang faction ng PDP-Laban, maglalabas umano sila ng desisyon sa oras na matapos na ang quarantine period na itinatakda para sa mga returning Filipinos.

Si Pacquiao ay kagagaling lamang sa Estados Unidos, kung saan nabigo ito sa boxing match kontra kay Yordenis Ugas.