Nagbabala ang top diplomat ng European Union (EU) laban sa isinusulong na pagsuko ng Ukraine sa ilang mga teritoryo nito sa Russia bilang parte ng peace deal sa hinaharap na isang bitag ni President Vladimir Putin.
Ayon kay European Commission Vice-President Kaja Kallas, na inilagay sa wanted list ng Kremlin, ang pagpayag sa Russia na panatilihin sa kanilang kontrol ang Ukrainian territories ay isang bihag ni Putin na nais niyang sundin nila.
Kabilang sa mga teritoryo ng Ukraine na mayorya ay nasa kontrol ng Russia ay ang Donbas region sa eastern Ukraine, na patuloy na tinututulan naman ng Kyiv na isuko sa Kremlin kapalit ng kapayapaan.
Subalit nauna ng sinabi ni US President Donald Trump na kailangang magkaroon ng “swapping of territories” para makamit ang kapayapaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa Alaska summit, sinabi ni Kallas na nakuha ni Putin ang lahat ng kaniyang gusto at maaaring makaapekto ito sa kaniyang interes sa pakikipagnegosasyon para sa peace deal.
Nais din aniya ni Putin na hindi mapatawan ng sanctions ang kanilang bansa, bagay na kaniya ding nakuha.
Tumatawa lang aniya si Putin at hindi tumitigil sa pagpatay sa halip dinadagdagan pa aniya ito. Nakakalimutan din aniya na hindi man lang naglatag ni isang concession ang Russia.
Matatandaan na kabilang si Kallas at iba pang lider ng EU countries gaya ng France, Germany, Italy at Finland ang sumama sa pagpupulong sa pagitan nina Ukrainian President Volodymyr Zelensky at Trump sa White House ilang araw lamang matapos ang Trump-Putin summit sa military base sa Alaska na kapwa nakasentro sa adhikaing mawaksan na ang giyera sa Ukraine at Russia.
Samantala, itinakda naman ni Trump nitong Huwebes ang dalawang linggong time frame para ma-evaluate ang peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine.