-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Public Account at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na may nangyaring sabwatan sa pagitan ng district engineers ng DPWH, Bids and Awards Committee (BAC) at Commission on Audit (COA) sa nadiskubring ghost flood control projects isa na dito sa Brgy Piel sa Baliuag, Bulacan na personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kahapon.

Sa isang panayam sinabi ni Ridon, paano nalusutan ng COA ang nasabing proyekto na dapat na flagged down na ito ng state auditor.

Sa ngayon dalawang kontratista na ang napapangalanan na sangkot sa ghost flood control projects ito ay ang Wawao at Syms Construction Trading.

Binigyang-diin ni Ridon na sa mga nadiskubring ghost flood control projects tiyak may pananagutan dito ang buong district engineering Office ng DPWH , BAC at COA.

Nakatakda namang magsagawa ng pagdinig ang house tri committee in aid of legislation ang kontrobersiyal na flood control projects.

Sinabi ni Ridon na kabilang sa kanilang aalamin kung may mga legislator-contractors ang sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.

At ang mga kumpanya na may maliit na budget subalit nakakakuha ng bilyong bilyon na kontrata.

Pagtiyak ng Kongresista na walang sisinuhin ang komite kahit ito ay kanila pang mga kasamahan.