-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni Israeli Prime Minister Benjamin Nentayahu ang mga negosasyon para simulan ang pagpapalaya sa lahat ng natitirang mga bihag at pagwawakas na ng giyera sa Gaza sa ilalim ng mga kondisyong katanggap-tanggap sa Israel.

Sinabi din ni Netanyahu sa kanilang mga tropang sundalo nitong gabi ng Huwebes na inaprubahan na ng kaniyang gabinete ang plano para sa malawakang pag-atake sa Gaza City sa hilagang bahagi ng teritoryo para talunin ang Hamas at palayain ng lahat ng bihag sa kabila pa ng pagtutol ng international at domestic organizations.

Matatandaan na pumayag ang Hamas sa panukala ng Qatari at Egyptian mediators para sa 60 araw na ceasefire noong Lunes, na ayon sa Qatar ay nakikitang magbibigay daan para sa pagpapalaya sa kalahati ng natitirang mga bihag sa Gaza.

Subalit, hindi pa tinatanggap ni Netanyahu sa ngayon ang naturang proposal.

Naniniwala ang Israel na tanging nasa 20 mula sa 50 mga bihag na lamang ang nabubuhay matapos ang 22 buwang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.