Inanunsiyo ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na inaprubahan na ng Israel ang unang yugto ng Gaza deal na magbibigay daan sa ceasefire at pagpapalaya sa mga bihag.
Magiging epektibo ang ceasefire o tigil-putukan sa oras na magbigay na ng approval ang Israeli cabinet.
Sa ilalim ng kasunduan, may 24 na oras ang Israeli military para i-withdraw nang bahagya ang kanilang mga sundalo mula sa Gaza.
Susundan naman ito ng pagpapalaya ng Hamas sa lahat ng natitirang bihag na Israelis sa loob ng 72 oras habang papakawalan naman ng Israel ang daan-daang presong Palestinians.
Sa oras na maumpisahan na ang kasunduan, papayagan na ang aid trucks na makapagdala ng tulong sa dalawang milyong mamamayan ng Gaza na na-displace dahil sa giyera.
Samantala, magpapadala naman ang Amerika ng nasa 200 sundalo nito sa Middle East para subaybayan ang pagpapatupad ng ceasefire deal kasama ang mga sundalo mula sa Egypt, Qatar, Turkey at United Arab Emirates.
Walang mga tropa ng US ang magtutungo sa Gaza subalit magtatatag ang mga ito ng isang coordination center sa Israel para suportahan ang stabilization effort.