Pinatawan ng administrasyon ni US President Donald Trump ang apat na hukom ng International Criminal Court (ICC).
Ang ipinataw na sanctions ay may kinalaman sa arrest warrant na inisyu sa kaalyado ng Amerika na Israel partikular na kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at sa mga kaso laban sa US.
Ito ay matapos na makakita ang korte ng “reasonable grounds” ng criminal responsibility laban kay PM Netanyahu at dating Israeli defense minister Yoav Gallant para sa kanilang mga aksiyon kabilang ang “war crime of starvation” na ginamit bilang paraan ng digmaan sa kanilang malawakang opensiba sa Gaza kasunod ng sorpresang pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023.
Kabilang sa apat na hukom ng ICC na pinatawan ng US ng sanctions ay sina sina Beti Hohler ng Slovenia at Reine Alapini-Gansou ng Benin, na nakibahagi sa proceedings na nagresulta sa pag-isyu ng arrest warrant noong nakalipas na Nobiyembre 2024 laban kay PM Netanyahu.
Isa din si Alipini-Gansou sa mga hukom na humahawak sa kasong crimes against humanity ni dating Pangulong Duterte sa ICC, na nauna ng hiniling ng kaniyang defense team na idiskwalipika mula sa kaso.
Ang dalawa pa sa ICC judges na humaharap sa sanctions ay sina Luz del Carmen Ibanez Carranza ng Peru at Solomy Balungi Bossa ng Uganda, na parte ng court proceedings kaugnay sa imbestigasyon sa mga alegasyon laban sa US na nakagawa umano ng war crimes sa kasagsagan ng giyera sa Afghanistan.
Pagbabawalan ang mga nabanggit na ICC judges na makapasok sa Amerika at anumang pag-aari o iba pang interest sa pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo ay haharangin.
Samantala, sa isang statement, binigyang diin ni US Secretary of State Marco Rubio na gagawin ng Amerika ang anumang aksiyon na kailangan para protektahan ang kanilang soberaniya, gayundin sa Israel at kanilang kaalyado mula sa iligal na mga aksiyon ng ICC.