-- Advertisements --

Itinitulak ngayon ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang isang “military solution” upang mailigtas ang tinatayang 20 na natitirang hostages na hawak pa rin ng Hamas mula pa noong Oktubre 7, 2023.

Ayon sa ulat, sinabi ng isang opisyal ng Israel na nagpapatuloy angugnayan sa pagitan ng Israel at Estados Unidos, dahil malinaw na umano na hindi interesado ang Hamas sa kasunduan ukol sa pagpapalaya ng mga Israeli hostages.

Dahil dito, nais ni Netanyahu na palawakin pa ang mga operasyong militar sa Gaza upang sapilitang palayain ang mga bihag.

Magugunitang nagprotesta ang libo-libong mamamayan sa Tel Aviv nitong Sabado upang hilingin sa gobyerno na tapusin na ang giyera at agad na ibalik ang mga natitirang bihag.

Kasabay nito, tumaas ang pandaigdigang pagkabahala sa lumalalang krisis sa gutom sa Gaza. Ayon sa Hamas-run Gaza Health Ministry, higit sa 175 katao na, kabilang ang 93 bata, ang namatay na sa malnutrisyon.

Bagaman iginiit ng Israel na sapat ang kanilang ipinasok na humanitarian aid, sinabi ng mga international organization na hindi ito sapat, at ilang lugar sa Gaza ang nanganganib na tamaan ng taggutom.