Itinalaga ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Col. Marlon Santos bilang acting spokesperson ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Si Santos ay may ranggong Senior Police Assistant to the Ex-Officio Commissioner at dati nang nagsilbi bilang provincial director ng Cavite Provincial Police Office at bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mga regional field units sa Region 4A at Region 7.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan, kumpiyansa sila na makatutulong si Santos sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa PNP sa pamamagitan ng mas malinaw na komunikasyon.
Pinuri rin niya ang naging kontribusyon ni Santos sa mga reporma sa pagitan ng NAPOLCOM at PNP at sinabing dala nito ang integridad at propesyonalismo na mahalaga sa serbisyo publiko.
Nagpasalamat naman si Santos sa tiwalang ibinigay sa kanya ng PNP at NAPOLCOM, at nangako na ipagpapatuloy niya ang mabilis, tapat, at makataong serbisyo sa publiko.
Aniya, sisikapin nilang mas mapalapit pa ang pulisya sa mamamayan sa pamamagitan ng responsableng public service.
















