-- Advertisements --

Hindi sang-ayon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa mungkahing ipagbawal ang mga pelikula at programang may mararahas na tema bilang hakbang upang mabawasan ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Nauna nang iminungkahi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang naturang hakbang kasunod ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Ayon sa kanya, isa ito sa mga maaaring pag-aralan upang matugunan ang lumalalang kaso ng karahasang kinasasangkutan ng kabataan.

Gayunpaman, sa isang pahayag, sinabi ng MTRCB na bagama’t kinikilala nito ang pangamba ng publiko sa posibleng epekto ng mararahas na palabas sa mga kabataan, hindi anila ang pagbabawal sa mga ito ang tamang solusyon.

Binigyang-diin ng ahensya na ang pangangalaga sa mga bata laban sa mapaminsalang nilalaman ng mga palabas ay pananagutan hindi lamang ng pamahalaan kundi pati na ng mga magulang, guro, media practitioners, digital content creators, at mga stakeholder sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Ayon pa sa MTRCB, aktibo itong nakikipagtulungan sa mga nasa industriya upang matiyak na naipapakita sa mga pelikula, programa sa telebisyon, at iba pang materyales ang mga aral na itinuturo ng pagiging isang Pilipino, kasabay ng pagsusulong ng responsable at boluntaryong regulasyon sa paggawa ng palabas.

Iginiit din ng MTRCB na ang pagbabawal sa mga pelikula at programang may mararahas na tema ay maaaring lumabag sa karapatan ng mga Pilipinong creator sa malayang maghayag.