Iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi labis ang pagde-deploy ng mahigit 21,000 pulis at iba pang law enforcers para tiyakin ang seguridad ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isinagawang inspeksyon sa Quezon City Police District (QCPD) Monitoring Center sa Camp Karingal, sinabi ni Nartatez na naaayon lamang ang dami ng mga tauhang ipinakalat upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.
Ayon sa PNP chief, walang masama sa pagpapatupad ng maximum security kung ang layunin nitong matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng SONA.
Dagdag pa niya, maaari pang gamitin ng PNP ang kabuuang puwersa nito na humigit-kumulang 230,000 personnel sa buong bansa kung kinakailangan.
Samantala, binatikos naman ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr. ang PNP dahil sa umano’y pagharang sa mga raliyista bago ang taunang talumpati ng Pangulo.
Ayon kay Reyes, sa halip na ipatupad ang “maximum tolerance,” ang ipinatutupad umano ng pulisya ay “maximum inconvenience” at “maximum oppression,” na aniya’y nagdulot ng matinding abala sa publiko dahil sa mahigpit na mga checkpoint at pagsasara ng ilang pangunahing lansangan.
Sa kabila nito, nananatiling nasa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa SONA. Gayunpaman, nilinaw ng pulisya na wala silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad kaugnay ng pagdaraos ng taunang SONA ng Pangulo.
















