Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na maging responsable sa pag-iingat ng kanilang mga baril, lalo na kapag wala sila sa duty at nasa kanilang mga tahanan.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kailangang tiyaking ligtas at hindi maaabot ng mga bata o iba pa ang kanilang mga baril.
Kasunod ito ng dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa loob lamang ng halos dalawang buwan.
Noong Hunyo, tatlong estudyante ang nasawi sa isang school shooting sa Tacloban City. Nitong linggo naman, dalawang estudyante, kabilang ang hinihinalang gunman, ang namatay sa insidente sa Ateneo de Zamboanga University.
Sa dalawang insidente, ginamit umano ng mga menor de edad ang service-issued firearms na kinuha mula sa kanilang kamag-anak o magulang.
Iniutos din ng PNP sa mga police commander na regular na magpaalala tungkol sa wastong pag-iingat at pananagutan tuwing unit briefing at formation.
Samantala, sinabi ng PNP chief na maglalaan ang PNP ng mga tauhan at kagamitan para sa nationwide school safety drills ng Department of Education na nakatakda sa Agosto 25.
















