Ilalagay ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng 770 operating units sa heightened alert status simula sa araw ng Huwebes, Oktubre 30 hanggang sa susunod na Martes, Nobiyembre 4.
Ito ay sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan na magsisiuwian sa kani-kanilang probinsiya kasabay ng paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa sa darating na weekend.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines sa tagapagsalita ng PCG na si Capt. Noemie Cayabyab, papaigtingin ng ahensiya ang pagbabantay at pag-alalay sa mga biyahero sa mga pantalan.
Sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya tulad ng Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry, magtatalaga rin ang PCG ng mga malasakit help desk sa lahat ng mga pantalan na maaaring lapitan ng mga pasahero. Magbibigay din ang mga ito ng travel information at emergency response.
Nakahanda rin ang PCG na magdeploy ng kanilang medical teams para tumugon sa posibleng medical concerns.
Maliban dito, magdedeploy din ng K-9 units sa mga barko para magsagawa ng inspeksiyon sa mga bagahe.
Mayroon ding itatalagang rescuers at lifeguards ang PCG sa mga beach at island resorts na kalimitang pinupuntahan ng mga nagbabakasyon kapag ganitong holiday.
Pagdating sa seguridad, papaigtingin pa ng PCG ang pagsasagawa ng pre-departure inspection sa lahat ng barko sa mga pantalan at titiyaking walang overloading o labis na mga pasahero.
Samantala, ayon sa PCG official, inaasahang aabot ang dami ng mga pasaherong dadagsa sa mga pantalan gaya o lagpas pa sa naitala noong nakalipas na Undas na pumalo sa halos 2 milyong inbound at outbound passengers.
Pangunahing babantayan ng PCG ang malalaking pantalan sa bansa kabilang na sa Manila, Cebu, Batangas, Davao at Zamboanga na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga pasahero noong nakalipas na taon.
















