-- Advertisements --

Ipinapaalala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mahigpit na pagbabawal sa indiscriminate o celebratory firing ng mga baril ng kanilang mga tauhan sa darating na Bagong Taon.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, isang seryosong paglabag ang indiscriminate firing na may kaukulang parusa sa ilalim ng umiiral na batas at regulasyon.

Ang sinumang lalabag ay mahaharap sa parusang administratibo at kriminal, kabilang ang pagkatanggal sa serbisyo, pagkawala ng benepisyo, at makakasuhan batay sa Republic Act No. 11926 na nagbabawal sa willful discharge of firearms.

Batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, ipinatutupad ng PCG ang zero-tolerance policy sa indiscriminate firing upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga pinsala o pagkamatay na dulot ng ligaw na bala.

Binibigyang-diin ng PCG ang command responsibility, kung saan ang mga Commander ay mananagot bilang disiplina ng kanilang yunit.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, ang armas o baril ay para lamang sa opisyal na tungkulin at legal na self-defense, at ang paggamit nito sa selebrasyon ay banta sa kaligtasan ng publiko.

Hinihikayat ang publiko na ireport ang anumang indiscriminate firing sa pinakamalapit na PCG unit o sa pulisya upang matiyak ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Bagong Taon.