-- Advertisements --

Limang araw na panahon ang ibinigay Philippine Coast Guard para tapusin ang maritime investigation kaugnay ng pagbangga ng China Coast Guard vessel sa mga barko ng Pilipinas na nagsagawa ng resuply mission sa ayungin shoal kahapon.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gavan na inatasan na nila ang PCG Palawan district sa pangunguna ni Commodre Dennis Labay na agad gawin ang imbestigasyon epektibo ngayong araw.

Sa sandaling matapos ang imbestigasyon, sinabi ni Gavan na isusumite nila ito sa Dept of Transportation na siya namang magsusumite nito kay Pangulong Marcos para sa karampatang aksyon o disposisyon.

Target ng PCG na tapusin at maisumite ang resulta ng imbestigasyon sa Biyernes, October 27,2023.

Sa kabila ng insidente, sinabi ni Gavan na nananatiling mataas pa rin ang morale ng kanilang mga tauhan sa kabila ng pambu-bully ng China.

Diin ni Gavan, lalo umano silang nagiging masigasig sa pagbabantay sa mga teritoryo ng bansa.