Kapwa napinsala ang isang pampasaherong barko at bangkang pangisda matapos magbanggaan sa may bisinidad ng baybayin ng Lucena port sa Barangay Talao-Talao, Lucena City, Quezon ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 3.
Sa isang statement, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na nangyari ang insidente kaninang alas-7:00 ng umaga, kung saan patungo noon ang passenger vessel na MV Peñafrancia VI sa Balanacan Port, Marinduque mula Lucena habang pabalik naman ang fishing vessel (FV) Sr. Fernando 2 mula Tayabas Bay nang magbanggaan habang palabas at papasok sa karagatan ng Lucena.
Nagtamo ang barko ng pinsala sa starboard bow at ramp nito habang ang bow naman ng bangka ay nasira din.
Sa kabutihang palad naman, ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng lulan ng MV Peñafrancia VI kabilang ang 18 crew at 82 pasahero gayundin ang 16 na crew na sakay ng bangkang pangisda.
Matapos ang banggaan, inatasan ang MV Peñafrancia na bumalik sa Port of Talao-Talao sa Lucena City para sa imbestigasyon at inspeksiyon habang ang mga pasahero naman ay inilipat sa MV Peñafrancia IX para sa medical checkup at cargo assessment.
Samantala, tiniyak naman ng PCG na walang banta sa seaworthiness ang naturang insidente dahil walang tumagas na langis o below-waterline damage na naitala.