Kinansela ng Philippine Coast Guard (PCG) ang biyahe sa apat na lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1, kasunod ng pag-lakas ng Tropical Storm Tino bilang severe tropical storm nitong Lunes.
Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, hindi papayagang umalis ang anumang barko kung ang pantalan, dadaanan, o pupuntahang lugar ay nasa ilalim ng storm signal, bilang bahagi ng pagtiyak sa kaligtasan ng mga biyahero.
Batay sa ulat ng state weather bureau, nakataas ang Signal No. 1 sa Eastern Samar, Dinagat Islands, at Siargao at Bucas Grande Islands.
Sinabi pa ni Cayabyab na patuloy pang kino-consolidate ng PCG ang bilang ng mga pasaherong apektado ng kanselasyon ng biyahe. Inihayag din niyang na-activate na ang PCG deployable response groups, kabilang ang mga rescue swimmers, medical teams, at mga air at sea assets.
Inatasan din ang mga tauhan ng Coast Guard na tumulong sa mga lokal na pamahalaan at sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagtugon sa epekto ng sama ng panahon.
















