-- Advertisements --

Tiniyak Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang puwang sa bansa ang iresponsableng pagmimina, kasabay ng kanyang panawagan para sa isang responsible, inclusive, at climate-resilient mining industry sa Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Mining Philippines 2025 International Conference and Exhibition sa Taguig, sinabi ng Pangulo na mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng paglago ng ekonomiya at pangangalaga sa kalikasan.

Giit ng Punong Ehekutibo, ang pagmimina ay dapat magdulot ng tunay na benepisyo sa mga mamamayan, tulad ng pagpapatayo ng mga paaralan, ospital, at mga kalsada na mag-uugnay ng mga komunidad sa mga oportunidad.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pagpapalakas ng transparency at accountability sa sektor upang matiyak na napakikinabangan ng taumbayan ang yaman mula sa likas na pinagkukunan.Kabilang sa mga hakbang ng administrasyon ang pagpapatupad ng Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act para sa patas at malinaw na buwis sa industriya, at Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System Act na layong masukat at mapangalagaan ang likas na yaman ng bansa.

Ayon kay Pangulong Marcos, layunin ng mga repormang ito na palakasin ang tiwala ng publiko at mga mamumuhunan, habang sinisiguro na ang pagmimina sa bansa ay magiging modelo ng kasaganaan at pangmatagalang kaunlaran.

Ipiunto ni Pangulong Marcos lahat ng operasyon sa pagmimina sa bansa ay dapat alinsunod sa mga pangakong pangkalikasan ng Pilipinas, kabilang na ang Paris Agreement at Philippine Energy Plan. Layunin ng mga patakarang ito na tiyakin ang kaunlaran ng sektor ng enerhiya at pagmimina nang hindi sinasakripisyo ang kalikasan.