Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gagawin nito ang lahat para maiuwi pabalik ng bansa si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves matapos maaresto sa Dili, East Timor.
Matatandaang bandang alas-4:00 ng hapon kahapon nang maaresto si Teves habang naglalaro ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar sa Timor Leste.
Sinabi ng Punong Ehekutibo, nakikipag ugnayan na ang gobyerno sa Timor Leste para sa mga hakbang na gagawin para maiuwi sa Pilipinas ang dating mambabatas nang sa gayon ay maharap nito ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.
Siniguro rin ng Pangulo sa publiko na mananaig ang hustisya kaugnay sa kasong ito.
Nagpapasalamat din ang Pangulo sa mga ahensya ng pamahalaan at mga international partners ng bansa na nagtulungang maisagawa ang operasyong ito para maitaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Pinuri din ng Presidente ang mga otoridad na umaresto kay Teves.