-- Advertisements --

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang Department of Budget and Management (DBM) na pinamumunuan ni Secretary Amenah Pangandaman, sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na gawing simple at makabuluhan ang pagdiriwang ng Christmas at Year-End celebrations ngayong taon.

Kasunod ito ng serye ng mga sakuna na tumama sa bansa.

Ayon sa Pangulo, ang hakbang na ito ay bahagi ng pakikiisa ng pamahalaan sa mga Pilipinong patuloy na nakararanas ng mga pagsubok dulot ng mga nagdaang kalamidad, kabilang ang malalakas na lindol sa Visayas at Mindanao, gayundin ang mga bagyong tumama sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ipinaalala rin ni Pangulong Marcos Jr. sa mga kawani ng gobyerno na higit na mahalaga ang diwa ng pagbibigayan at malasakit sa kapwa, lalo na sa mga pamilyang patuloy na bumabangon mula sa mga pinsalang dulot ng kalamidad.

Dagdag pa ng DBM, ang simpleng pagdiriwang ay paraan din upang matiyak na magagamit nang tama at may saysay ang pondo ng bayan, alinsunod sa prinsipyo ng matipid, responsable, at makataong pamamahala.

Ang panawagan na ito ay bahagi ng hangarin ng administrasyong Marcos na isulong ang “Bagong Pilipinas” isang pamahalaang inklusibo, may malasakit, at tunay na nakatuon sa kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino.