Labis na ikinalungkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkamatay ng dalawang Pilipino sa labanan sa pagitan ng Israel at Hamas militants.
Sinabi ng Chief executive na mabigat ang kaniyang puso ng malaman ang balita.
Kinondena rin ng Pangulo ang karahasan at terror attack, kasabay ng pangakong patuloy nitong susuportahan ang mga apektadong Pinoy sa Israel.
Ayon sa Pangulo, suportado naman ng pamahalaan ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan na naka-angkla sa pandaigdigang batas at United Nations (UN) resolutions.
Iginiit ng Pangulo na hindi titigil ang gobyerno sa paghahatid ng suporta sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino community na apektado ng krisis.
Matatandaang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na may dalawang Filipino nationals na nasawi sa Israel-Hamas conflict.
Nakatakda namang magbigay ng update si Ambassador Pedro “Junie” Laylo Jr., na naka base sa Tel Aviv.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung paano namatay ang dalawang Filipino.