-- Advertisements --

Kinumpirma ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez ang pagtatalaga kay Commodore Andro Val Abayon bilang bagong pinuno ng Presidential Security Command o PSC.

Pinalitan ni Abayon si Army Major General Peter Burgonio, na nagsilbi bilang PSC commander sa loob lamang ng walong buwan.

Ayon kay Gomez, itinalaga su Burgonio bilang acting division Commander ng 8th Infantry Division.

Si Abayon, na isang flag officer at myembro ng PMA Class of 1994, ang magiging ika-apat na PSC commander sa administrasyong Marcos Jr., kasunod nina Army Major General Ramon Zagala, Air Force Major General Nelson Morales, at Burgonio.

Bago maitalaga sa Malacañang, pinamunuan ni Abayon ang Naval Special Operations Command, ang elite unit ng Philippine Navy na kinabibilangan ng Navy SEALs.

Samantala, sina Morales at Burgonio na parehong PMA Class of 1993 graduates ay naitalaga naman sa mga pangunahing posisyon sa Air Force at Army matapos ang kanilang tour of duty sa Palasyo, habang si Zagala, na hindi PMA graduate, ay nagtapos mula sa De La Salle University at ngayo’y pinamumunuan na ang isang Army infantry division.

Inaasahang pamumunuan ni Abayon ang seguridad ng Pangulo at Malacañang bilang bagong “praetorian guard commander,” kasabay ng pagpapatuloy ng reorganisasyon sa hanay ng mga security at defense units ng administrasyon.