Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dumaraan ang bansa sa napakahirap na panahon dahil sa malawakang repormang isinasagawa ng pamahalaan kasunod ng flood control anomaly na kaniyang isinawalat.
Ayon sa Pangulo, kailangan ng malaking operasyon upang tanggalin ang “kanser” ng katiwalian at ayusin ang problema sa flood control ngunit hindi maiiwasan ang sakit na dulot nito sa taumbayan.
Humingi ng paumanhin si Pangulong Marcos dahil sa paghihirap na nararanasan ng taumbayan, ngunit binigyang-diin na kinailangan itong gawin.
Aniya, kailangang pagdaanan ang sakit at hirap upang maghilom at umunlad muli ang bansa.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, nananatiling matatag ang mga Pilipino at mabilis na makakabawi.
Tiniyak niya na nagpapatuloy ang administrasyon sa kampanya laban sa pang-aabuso at entitlement, at handang magtrabaho “24/7” upang maisakatuparan ang mga kinakailangang pagbabago.
Samantala, itinuturing ni Pangulong Marcos Jr na isang malaking problema na kinakaharap ngayon ng marami ay ang tungkol sa fake news.
Sa pagharap ng Pangulo sa Malacanang Press Corps, sinabi nitong marami silang ideya kung paano ito lalabanan subalit kailangan pa rin aniya ng tulong mula sa media.
Binigyang-diin ng Pangulo na na dapat itong pagtulungan ng pamahalaan at mga nasa pamamahayag na aniyay tunay na may kredibilidad para kontrahin ang mga aniyay walang basehan at walang katotohanang mga impormasyon.
Sa una sabi ng Pangulo ay tila nakakatawa lang ang fake news subalit ngayon ay maituturing na itong DAMAGING o lubhang nakapaninira.
Aminado ang Chief Executive na kailangan ng gobyerno ang suporta at tulong ng media upang maipaliwanag sa tao kung ano ang dapat paniwalaan at hindi.















