LAOAG CITY – Bumisita sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang personal na alamin ang implementasyon ng Zero Balance Billing Program.
Kasama ni Pangulong Marcos na bumisita sa nasabing ospital ang isa niyang anak na si Joseph Simon, at si Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos.
Sa pagbisita ng pangulo ay may mga bigas na ibinahagi sa mga pasyente.
Ilan sa mga pinuntahan ng pangulo ay ang charity wards, emergency room, at ang neonatal and intensive care units ng nasabing ospital kung saan nakipagusap din sa ilang pasyente.
Hinggil dito, ibinahagi ni Dr. Jose Orosa III, ang Chief of Medical Professional Staff sa nasabing ospital na ang Zero Balance Billing ay matagal na nilang ipinapatupad bago pa man ang ikaapat na State of the Nation Address ng pangulo.
Subalit sinabi niya na simula nung State of the Nation Address ng pangulo noong Hulyo hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa 22 libong pasyente ang naging benepisyaryo sa zero balance billing na nagkakahalaga ng P153 million pesos.