Nagpahiwatig sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos na handa na silang maging lolo at lola, ayon sa kanilang holiday-themed video na inilabas nitong Martes.
Sa naturang video, ibinahagi ng Pangulo na madalas nilang tanungin ang kanilang tatlong anak na lalaki kung bakit wala pa silang apo. Ayon sa kanya, ito na rin ang kanilang hiling tuwing Pasko, lalo na’t nasa tamang edad na ang kanilang mga anak para mag-asawa.
Sumang-ayon naman ang First Lady at sinabing iyon din ang kanyang Christmas wish.
May tatlong anak na nasa hustong gulang ang mag-asawang Marcos: sina Ferdinand Alexander o Sandro, 31; Joseph Simon, 30; at William Vincent o Vinny, 28. Karamihan sa kanilang personal na buhay ay pribado, bagama’t minsang inamin ni Sandro na nagkaroon siya ng limang taong relasyon sa aktres na si Alexa Miro.
Tinapos ni Pangulong Marcos ang kanyang Christmas vlog sa pagbati sa lahat ng Pilipino ng isang ligtas, masaya, at malusog na pagdiriwang ng Kapaskuhan.










