Tiniyak ng pamunuan ng PBA na makakakuha ng refund ang mga fans na bumili ng tickets para manood sana ng laro.

Una rito ay napagpasyahan ng liga na kanselahin muna ang lahat ng kanilang mga aktibidad dahil pa rin coronavirus outbreak.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, ibabalik ang bayad sa mga ticket na binili para dapat sa mga laro sa Metro Manila hanggang Marso 15.

Hinimok naman ni Marcial ang mga nakabili na ng ticket para sa laban ng Barangay Ginebra at Blackwater sa Balanga, Bataan sa Marso 14 na huwag munang magpa-refund.

Maari pa raw kasing magamit ang mga ticket sa itatakda nilang bagong petsa ng nasabing PBA game.

Paliwanag pa ng opisyal, bagama’t aminado sila na malaki ang epekto ng postponement sa usaping pinansyal, mas iniisip daw nila ang kapakanan ng mga players, fans, mga opisyal, staff, at media.