Inihayag ng Department of Justice na inaasahang madagdagan pa ang mga testigong maaring lumantad hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mayroon pang mga testigo o indibidwal ang posibleng makuha ng kagawaran kaugnay sa naturang kaso.
Kung saan kanyang sinabi na ito’y bukod pa sa lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan na siyang nagsiwalat sa mga naunang rebelasyon.
Kanyang ibinunyag kasi kamakailan na matapos patayin ay inilibing umano ang mga nawawalang sabungero sa bahagi ng Taal lake.
Dagdag pa ni Justice Secretary Remulla, ang mga panibagong darating at makukuha pang testigo ay inaasahang makapagbabahagi umano ng ilang impormasyon hinggil sa aktibidad ng Alpha group.
Matatandaan na kamakailan ay nabanggit ng naturang kalihim ang patungkol sa Alpha group kung saan ito umano ay binubuo ng nasa 20 indibidwal sa industriyang e-sabong na iniuugnay ngayon sa pagkawala ng mga sabungero.
Buhat nito’y nagbigay babala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla lalo na sa mga sangkot at may kinalaman sa kaso na lumantad na.
Aniya’y huwag ng hintayin pa na sila’y habulin at tiyak naman raw na kanila itong mahahabol sa patuloy nilang pagsasagawa ng imbestigasyon.