-- Advertisements --

Kinalampag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon ng patas, mabilis, at malinaw na pagpapatupad ng Non-Contact Apprehension Policy o NCAP upang maibsan ang mga agam-agam hinggil sa implementasyon ng programa.

Ayon kay Eacudero, mahalaga na matanggal sa isip ng mga motorista na ang NCAP ay isang paraan lamang para kumita ang MMDA o ang  gobyerno. 

Dagdag pa ni Escudero, dapat ding agad na tugunan ng MMDA ang mga suliranin sa lane markings, traffic lights, at signages, dahil ito ang batayan ng maraming paglabag at paghuli.

Ikinabahala rin ni Escudero ang hinaing ng ilang motorista hingil sa patas na paraan ng paghuli at kung masusunod ba ang due process. 

Isa sa mga isyung inilutang ay kung mabilis na maipapadala ang notices of violations o NOV.

Batay aniya sa ulat mula sa MMDA, maaaring matagalan dahil sa mga posibleng kaharaping problema sa pagpapadala ng notice. 

Kaya dapat aniyang idaan sa emails ang mga notice kung available ito sa kanilang sistema para mapabilis ang proseso. 

Samantala, sinabi naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian na ang muling pagpapatupas ng NCAP ay dapat na may kasamang malinaw na mga mekanismo upang maiwasan ang kalituhan sa hanay ng mga motorista.

Giit ng senador, bagama’t makatutulong ang teknolohiya sa pagpapatupad ng batas-trapiko at sa pagpapalaganap ng disiplina, hindi ito dapat maging dahilan upang balewalain ang due process o papanagutin nang hindi makatarungan ang mga responsableng motorista.