-- Advertisements --

Ibabasura na lang ng Senate committee on foreign relations ang panukalang batas na nagnanais mabigyan ng habambuhay na passport validity ang mga senior citizens.

Sa pagdinig ng Senate panel, sinabi ni Maria Alnee Gamble ng DFA office of consular affairs, na baka magdulot lamang ng problema kung bibigyan ng “lifetime passport” ang mga nakatatanda.

Malabo kasi itong kilalanin ng ibang mga bansa, dahil 10 taon lamang ang maximum validity ng isang pasaporte.

Ilan sa basehan para sa obligadong renewal ng travel documents ang pagbabago ng hitsura ng isang tao, pati na ang mga patakarang itinatakda ng mga bansang kaniyang pinupuntahan.

Dati na umano itong ginawa sa Spain, ngunit nagdulot ng maraming problema kaya kanilang itinigil.

Bunsod nito, hindi na itinuloy ng komite sa Senado ang paghimay pa sa “passport for life bill.”