-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Finance (DOF) na hindi bagong buwis ang ipinatupad, kundi pagpapatupad ng iisang tax rate na 20% sa lahat ng interest income mula sa deposito upang tanggalin ang hindi patas na sistema na pumapabor sa mayayamang may long-term deposits.

Ito’y matapos makatanggap ng matinding pangbabatikos sa publiko ukol sa mga probisyon ng Capital Market Efficiency Promotion Act (CMEPA), partikular sa usapin ng pagbubuwis sa interes mula sa bank deposits.

Dagdag pa ng ahensya na ang 20% buwis sa interes ay umiiral na mula pa noong 1998 bago pa isabatas ang CMEPA, na naging epektibo noong Hulyo 1, 2025, kung saan tinanggal lamang ang mga dating exemptions at preferential rates, tulad ng 0% tax sa mga depositor na higit sa limang taon, 5%–20% tax sa short-term deposits, at 15% tax sa dollar deposits.

Kung magdedeposito ka ng P100,000 sa isang bangko na may 2% na taunang interes, kikita ka ng P2,000 matapos ang isang taon. Ngunit matapos kaltasin ang 20% buwis (katumbas ng P400), ang matitira sa iyong interes ay P1,600 lamang.

Ayon pa sa DOF, 99.6% ng kabuuang deposito ay dati nang pinapatawan ng 20% na buwis. Layon lamang umano ng CMEPA na gawing ‘fair’ ang long-term at short-term depositors.

Paglilinaw pa ng ahensya na hindi ito retroactive ibig sabihin, ang mga lumang deposito bago mapatupad ang batas ay mananatiling saklaw ng dating tax benefits.

Hindi rin kasama sa 20% tax ang mga savings sa ilalim ng SSS, GSIS, at Pag-IBIG (gaya ng MP2) na nananatiling tax-exempt.