-- Advertisements --

Muling nasita ang Air India ng aviation watchdog ng India dahil sa pagpapalipad ng tatlong Airbus aircraft na hindi sumailalim sa pagsusuri ng escape slides, na ayon sa mga ito lumabag ang paliparan kaugnay ng pilot duty timings noong Hunyo.

Kasunod ito ng inilabas na report ng Aircraft Accident Investigation Bureau (AAIB) hinggil sa pagbagsak ng Air India jetliner na ikinasawi ng 260 katao.

Ayon kasi sa report, nagkaroon ng kalituhan sa loob ng cockpit ilang sandali bago bumagsak ang naturang eroplano noong Hunyo 12.

Nabatid sa imbestigasyon na halos sabay na lumipat sa cutoff mode ang engine fuel switches, dahilan para mawalan ng suplay ng gasolina ang dalawang makina ng Boeing 787 Dreamliner, ilang sandali matapos itong mag take-off mula Ahmedabad patungong London.

Narinig sa cockpit voice recorder na tinanong ng isang piloto ang kasama kung bakit pinatay ang fuel, subalit itinanggi ito ng kausap. Hindi malinaw kung sino ang nagsalita, at walang indikasyon na may emergency na nag-utos na patayin ang mga makina.

Bagamat muling natagpuan sa “run” position ang fuel switches sa crash site, at may palatandaan na sinubukanng paandarin ang mga makina ay bumagsak pa rin ang eroplano sa mababang altitude.

Wala namang nakikitang pagkukulang ang AAIB sa mga gumawa ng makina ng eroplano.

Patuloy namang nagsusumikap ang Tata Group, na ayusin ang kanilang reputasyon at operasyon ng Air India mula nang makuha ito sa gobyerno noong 2022.