Patuloy na nagpapakita ng seismic activity ang Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), matapos makapagtala ng mga volcanic earthquake at pagyanig sa mga nagdaang araw.
Ayon sa bulletin ng Phivolcs ngayong araw ng Miyerkules, dalawang volcanic earthquakes at isang volcanic tremor na tumagal ng limang minuto ang naitala sa loob ng nakaraang 24-oras.
Noong Lunes, walo pang lindol at limang tremors ang naitala, habang anim na lindol at dalawang tremors na tumagal ng anim hanggang pitong minuto ang naitala noong Hulyo 11.
Paliwang ng Phivolcs ang mga volcanic earthquake ay dulot ng mga prosesong may kinalaman sa magma sa ilalim o paligid ng isang aktibong bulkan, habang ang volcanic tremors naman ay tuloy-tuloy na mga seismic signal na maaaring tumagal ng higit sa isang minuto, dulot ng pagdaloy ng magma o gas sa bunganga ng bulkan.
Sa pinakahuling tala, umabot sa 504 metric tons ng sulfur dioxide ang ibinuga ng Bulkang Taal. Habang ang gas plume nito ay umabot ng 600 metro.
Wala namang naobserbahang pagtaas ng maiinit na likido sa Main Crater Lake, at walang “vog” o volcanic smog na nakita sa paligid.
Simula Hulyo 6, nakapagtala rin ng pagtaas sa real-time seismic energy measurements (RSAM), na posibleng senyales ng pagbara sa gas pathways sa loob ng bulkan. Ayon sa Phivolcs, ang ganitong kondisyon ay maaaring magdulot ng maikling phreatic o phreatomagmatic eruptions.