-- Advertisements --

Magdedeklara ng partial deployment ban ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Kuwait ngayong araw.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na maglalabas siya ng direktiba ukol dito sa lalong madaling panahon kasunod nang pagkakapaslang sa isang Pilipina ng amo nito sa Kuwait.

“We are considering a total deployment ban sa Kuwait. In the meantime, I will issue a directive today ng partial deployment ban,” ani Bello.

Iginiit ni Bello na hindi sinusunod ng gobyerno ng Kuwait ang kasunduan nito sa Pilipinas na pangalagaan ang mga OFWs doon.

Bago kasi napatay ng kanyang amo si Jeanalyn Villavende, na tubong Norala, South Cotabato, sinabi ni Bello na may mga nakarating na sa kanilang reklamo sa hindi magandang trato sa naturang OFW.

Naniniwala ang kalihim na mayroon talagang kapabayaan kaya maging ang local agency ni Villavende ay kanilang papanagutin sa pamamagitan nang suspension o cancelation ng kanilang lisensya sa oras na hindi makapagpaliwanag sa nangyari.

Gayunman, sa oras na pormal nang maipatupad ang partial deployment ban, sinabi ng kalihim na hindi na muna papayagang magtungo sa Kuwait ang mga bagong Pilipinong manggagawa.

Ang tanging papayagan lamang aniya na makapunta muli sa naturang bansa ay ang mga nagbabalik na OFWs kabilang na ang mga skilled workers.