-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Natusta ng buhay ang isang 73-anyos na lola matapos na masunog ang kaniyang bahay sa Sitio Lawaan, Barangay Tugas sa bayan ng Makato, Aklan.

Nakilala ang namatay na si Purisima Dolores at residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Evelyn Dolores, kapatid ng biktima na habang nanonood ng telebisyon sa kanilang tindahan, mga 15 meters lamang ang layo mula sa kanilang bahay ay narinig nito ang sigawan ng kaniyang kapit-bahay kaugnay sa nangyaring sunog.

Kaagad umano siyang humingi ng tulong at sa pagresponde ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay hindi na rin nila nailigtas ang matanda dahil sa nagkalat ang malaking apoy kahit na gawa sa mixed materials ang nasabing bahay.

Dagdag pa ni Dolores, bed-ridden at paralisado ang kalahating katawan ng kaniyang kapatid kung saan, sa kanilang pagsisikap na maisalba ito ay nagtamo siya ng 1st degree burn sa kaniyang balikat.

Halos isang oras nagtagal ang sunog bago naapula at walang kahit anumang kagamitan na naisalba mula sa nangangalit na apoy.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng BFP-Makato sa nasabing insidente.