-- Advertisements --

Nanindigan si dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo na magkakaroon lamang ng reconciliation sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng pamilya Duterte kung maibabalik sa Pilipinas si dating Pang. Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam, natanong si Panelo ukol sa naging pahayag ni Pang. Marcos na bukas siyang makipagkasundo sa pamilya Duterte, kalakip ng pagnanais na maiwasan ang mga kaguluhan at maipalaganap ang pagkakaisa para sa katatagan ng bansa.

Sagot ni Panelo, dapat ay maibalik muna sa Pilipinas ang dating pangulo, lalo at maliwanag aniyang iligal ang ginawang pag-aresto at tuluyang pagpapakulong sa kaniya sa International Criminal Court detention facility sa Netherlands.

Maaari rin aniyang mangyayari ang reconcilliation kung tapat si Pang. Marcos at kung matutugunan na niya ang maraming mga suliranin na kinakaharap ng bansa.

Maalalang maraming matatas na opisyal ng bansa at mga organisasyon ang malugod na tumanggap sa naging pahayag ni Pang. Marcos na nais niyang makipagkasundo sa lahat dahil sa ayaw umano niya ng gulo.

Kabilang sa mga nagpahayag ng pagkalugod ay ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mga senador, kongresista, atbpa.

Una ring inihayag ni dating Presidential Spokesperson Salvador Harry Roque ang parehong sentimiyento. Bagaman binatikos lamang ni Roque ang pahayag ni Pang. Marcos, iginiit niyang kung makakahanap ng paraan si Pang. Marcos na ilabas ang dating pangulo sa detention facility ng ICC ay maaaring masimulan pa ang pagkakasundo.