-- Advertisements --

Lumagda ang Philippine Coast Guard (PCG) sa P25.8 billion contract sa isang French shiplbuilding company na OCEA S.A. para sa pagbili ng 40 units ng 35-meter Fast Patrol Craft (FPC).

Ito ay parte ng Modernization program ng ahensiya. Itinuturing naman ng maritime sector ng bansa ang naturang hakbang bilang bagong milestone.

Pumirma sa kontrata sina French Ambassador to the Philippines Marie Fontanel at Transportation Secretary Vince Dizon, kasama sina Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan at Mr. Roland Joassard, Chief Executive Officer ng leading French shipbuilder.

Ang pagbili ng bagong patrol boats ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para i-upgrade ang maritime security ng PCG at operational capabilities.

Inaasahan namang magpapalakas ang proyekto sa matatag na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at France sa larangan ng maritime safety and development.

Ayon kay Commandant Adm. Gavan, gagamitin ang patrol boats sa pag-monitor sa West Philippine Sea sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa China.

Gagamitin din ito sa pagpapalawig pa ng operasyon ng PCG para matugunan ang mga hamon sa karagatan gaya ng tumataas na maritime traffic at pagdami ng mga insidente ng iligal na aktibidad sa karagatan gaya ng illegal fishing, smuggling, piracy at maritime terrorism.

Gayundin, gagamitin ang high-speed multi-role vessels para sa rescue, relief at emergency operations sa panahon ng kalamidad at maritime incidents.

Sa ilalim ng kontrata, 20 units ang itatayo ng France habang ang kalahati naman ay gagawin ng Pilipinas.