CEBU CITY – Ibinunyag ng Mandaue City Police Office (MCPO) na gustong magtatag ng Parojinog drug group ng kanilang baluwarte sa nasabing lungsod.

Ayon kay MCPO director, Col. Julian Entoma, ang mga grupong ito ang nasa likod ng mga robbery incident na talamak ngayon sa nasabing lugar.

Paliwanag ni Entoma, isa umano ito sa kanilang diversionary tactic para mas tumutok ang mga pulis sa mga kaso ng pagnanakaw at maipagpatuloy naman nila ang kanilang drug transactions.

Inamin naman ni Entoma na mahirap mahuli ang mga ito sapagkat sa oras na sisilbihan na ito ng search warrant ay agad namang nawawala ito sa lugar.

Pero aniya, “main hideout” ng mga ito ang lungsod ng Talisay pero nang mabuwag ito ng PNP ay sa Metro Cebu na raw sila nagtungo.

-- Advertisement --

Kinumpirma din ni Entoma na kaya nakapagpatuloy pa ito sa kanilang drug transaction ay dahil may mga koneksyon ito.

Base sa kanilang monitoring, may mga malalaking negosyante umano sa Mandaue ang kasabwat ng naturang drug group.