KORONADAL CITY – Masayang ibinahagi ni Father Ricky Gente, Parish Priest ng mga Pinoy sa Roma ang “feeling of fullfillment” matapos ang successful na Papal Mass celebration sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Father Ricky na tubong Ipil, Zamboanga at nakapag-aral din sa lungsod ng Koronadal ngunit 32 taon nang nananatili sa Roma ay isang taong mahabang preparasyon ang kanilang ginawa upang maisagawa ang memorableng misa na pinangunahan ni Pope Francis.
Ayon kay Father Ricky, personal niyang kinausap ang Pope at agad umanong pumayag ito dahil bilib ito sa mahigpit na pananampalatay ng mga Pinoy sa maykapal.
Sa katunayan, hindi niya malimutan ang taong binisita nito ang mga Yolanda victims kung saan sa halip umano na siya ang magbibigay pag-asa ay siya pa ang binigyang saya sa nakitang kasayahan sa mukha ng mga Katolikong Pilipino.
Maging ang mga OFW na nasa Middle East ay sinasaluduhan nito at tinawag na “strugllers of faith” dahil sa kanilang paniniwala sa Diyos.
Napag-alaman na si Father Ricky ang kabilang sa 10 mga kaparian na kasama ni Pope Francis sa isinagawang banal na misa maliban pa kay Cardinal Luis Antonio Tagle.