-- Advertisements --

Hindi bababa sa 26 na Pilipino ang nahaharap sa parusang kamatayan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ito ang naging sentro ng diskusyon sa Senado habang tinatalakay ang panukalang budget para sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa taong 2026.

Ayon kay Senador Erwin Tulfo, ang mga nabanggit na Pilipino ay nakakalat sa iba’t ibang bansa, kung saan 9 sa kanila ay nasa Malaysia, 4 ang nasa Brunei, at ang natitira ay nasa Jeddah at Riyadh sa Saudi Arabia, pati na rin sa Qatar at Kuwait.

Idinetalye pa ni Senador Tulfo, na siyang nangunguna sa pagtatanggol ng panukalang pondo para sa DMW, na aktibo ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Pangunahing layunin nito na magbigay ng kinakailangang legal na tulong sa mga Pilipinong nabanggit.

Bukod pa rito, nagsisikap din silang maibaba ang mga hatol na ipinataw sa mga ito.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang mga Pilipinong nasa ibang bansa ang binibigyan ng pansin, kundi pati na rin ang kanilang mga pamilya na nasa Pilipinas, na binibigyan ng karampatang tulong.