-- Advertisements --

Nagpulong ngayong araw sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang bumibisitang si Paraguay President Santiago Peña sa Malacañang upang palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa sa kalakalan, pamumuhunan, at agrikultura.

Dumating si Peña sa Pilipinas noong Mayo 10 mula Taipei at sinalubong ng mga opisyal ng pamahalaan sa Ninoy Aquino International Airport.

Bago ang pagpupulong sa Malacañang, nag-alay siya ng bulaklak sa Luneta bilang bahagi ng opisyal na seremonya.

Ayon sa Malacañang, inaasahang lalagda ang dalawang lider ng mga kasunduan na magpapalawak ng kooperasyon sa iba’t ibang sektor.

Binanggit ni Peña na nakikita ng Paraguay ang Pilipinas bilang isang “interesting market” sa Asya, lalo na sa konteksto ng Capricorn Bi-Oceanic Corridor na mag-uugnay sa Brazil, Paraguay, Argentina, at Chile.

Ang pagbisita ni Peña ay kauna-unahan mula nang itatag ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Paraguay noong 1962, at nakikitang magbubukas ng bagong yugto sa ugnayan ng dalawang bansa.