Hindi inaalis ang posibilidad na tumagal pa ang abnormality ng Bulkang Mayon dahil sa mga ipinakikitang palatandaan, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang ahensya ng 27 volcanic earthquakes kabilang ang tatlong volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang apat na minuto, 318 na rockfall events, at tatlong pyroclastic density current signals o uson mula sa bulkan.
Mula kahapon hanggang kaninang madaling araw, naobserbahan ang panaka-naka at mahinang Strombolian activity, panandaliang lava fountaining, at crater glow sa bunganga ng Mayon. Bukod dito, nagbuga rin ang bulkan ng sulfur dioxide flux na umabot sa 2,785 tonelada.
Sa kabila ng mga aktibidad na ito, nananatili sa alert level 3 ang alarma ng PHIVOLCS para sa Bulkang Mayon. Mahigpit pa ring ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong radius Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang panganib mula sa posibleng biglaang pagputok o pagdaloy ng lava at iba pang volcanic hazards.
Ang pangkalahatang paalala ng ahensya ay manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga kautusan ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa paligid ng bulkan. (report by Bombo Jai)
















