-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga residente sa Albay sa posibleng tuluy-tuloy na maitalang pyroclastic density current o uson sa bulkang Mayon, isang linggo simula nang mag-umpisa ang mga pag-alburuto sa bulkan.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, inaasahang makakapagtala ng uson dahil kapag naging unstable na ang lava flow sa itaas bumabagsak ito bilang uson.

Kayat, hanggang mayroon aniyang effusive eruption o mabagal na pagdaloy ng lava, tuluy-tuloy ang pag-angat ng magma at tuluy-tuloy din ang pagbagsak ng lava flows sa upper slopes.

Inabisuhan din ng Phivolcs Director ang publiko laban sa eruption column, na delikado para sa mga indibidwal na mayroong problema sa baga o puso gayundin sa mga matatanda at mga buntis.

Hinimok din ni Bacolcol ang mga residente na maging alerto lalo na at inaasahan ang mga pag-ulan sa mga susunod na araw.

Sa ngayon, nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 3 ang bulkang Mayon, kayat patuloy na pinapayuhan ang mga residente na iwasan ang 6-kilometer permanent danger zone para na rin sa kaligtasan.