-- Advertisements --

Inanunsyo ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na naglabas na ang Interpol ng Red Notice laban kina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at dating pulis na si Rafael Dumlao III, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng paghahanap sa kanila kaugnay ng mabibigat na kasong kinahaharap.

Kasama rin sa mga pinangalanan ang negosyanteng si Atong Ang, habang ang hiwalay na kahilingan para sa Red Notice laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ay naipasa na ngunit nasa proseso pa ng pag-apruba ng Interpol.

Ipinaliwanag ni Remulla na kumpleto na ang mga kinakailangang dokumento para kay Co, ngunit kasalukuyang nire-review pa ng international police body ang aplikasyon.

Ang Red Notice ay hindi warrant of arrest kundi pormal na kahilingan sa mga law enforcement sa buong mundo na hanapin at pansamantalang dakpin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o kaukulang legal na proseso.

Si Bantag ay nasasangkot sa kaso ng pagkamatay ng middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, habang si Dumlao ay dati nang nahatulan kaugnay ng 2016 kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo, bagama’t kapwa nila itinanggi ang paratang.

Nagpahayag si Remulla ng pagkadismaya sa mabagal na paghahanap sa mga wanted persons at hinimok ang pulisya na paigtingin ang operasyon upang agad na madakip ang mga ito.