Ginagamot na ang pitong seafarer na nasugatan matapos tamaan ng airstrike ang kaniyang sinasakyang container ship na bumabagtas sa Strait of Hormuz.
Ang mga ito sakay noon ng MV San Antonio, isang bulk carrier na naglalayag sa ilalim ng Marshall Islands flag.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia, apat sa mga naturang Pinoy ay nagtamo lamang ng minor injuries at nasa ligtas nang kalagayan.
Ang tatlo sa kanila ay nasa Intensive Care Unit (ICU) matapos magtamo ng matinding sunog sa balat at nakalanghap ng usok o gas inhalation dahil sa pagsabog.
Sa kabila ng insidente ay ipinagpapasalamat naman ni Olalia na walang nasawi sa mga ito at lahat sa kanila ay kasalukuyan nang binibigyan ng atensyong medikal.
Nakausap na rin ng DMW ang mga employer at manning agency ng mga manlalayag na Pinoy para sa akmang tulong at masiguro ang kanilang kaligtasan.
Giit ni Olalia, patuloy na binabantayan ng PH government ang sitwasyon ng mga naturang Pinoy, kasama ang iba pang naiipit sa nagpapatuloy na giyera.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 1,300 Pinoy seafarer ang matagumpay na nailabas mula sa Strait of Hormuz at napauwi sa Pilipinas. (report by Bombo Jai)
















