Hahatulan na ng kamara de Representantes ngayong araw ng Lunes, Mayo 11, si Vice President Sara Duterte upang pagtibayin ang report ng House Committee on Justice na nagsasabing may ”probable cause” sa reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.
Kasunod ito ng ilang linggong pagdinig at pagsusuri ng mga dokumento at ebidensiya na naglalayong patunayan ang mga alegasyon laban sa kay VP Sara.
Tatalakayin din sa plenaryo ang committee report at resolusyon na magbubukas ng daan para maipadala sa Senado ang apat na Articles of Impeachment para sa paglilitis.
Ayon kay Justice panel chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, handa na ang komite na ipagtanggol sa plenaryo ang kanilang findings para makakuha ng sapat na boto.
Nauna nang bumoto ang Justice committee, 53-0, upang kilalaning may probable cause para ma-impeach si Sara Duterte.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangan ang 1/3 na boto o 106 boto mula sa 318 miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maipasa ang impeachment at maipadala ito sa Senado na magsisilbing impeachment court.
Isasagawa ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting, kung saan isa-isang tatawagin ang bawat kongresista upang bumoto ng “oo” o “hindi.”
Pag-uusapan sa plenaryo ang apat na pinagsama-samang Articles of Impeachment na pinagtibay ng Justice panel tulad ng umano’y maling paggamit ng mahigit P600 million confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman ng Bise, alegasyon ng suhulan sa Department of Education, at umano’y pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Fisrt Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kabila nito nagbabala naman ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP Laban) na hindi nito tatanggapin sa kanilang partido ang mga mambabatas na boboto pabor sa impeachment ng bise presidente.
Iba-blacklist din umano ang mga ito at hindi papayagang tumakbo sa ilalim ng PDP Laban sa mga susunod na halalan.
















