Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naging malaking pagsubok sa pagkakaisa at katatagan ng ASEAN ang ginanap na 48th ASEAN Summit sa Cebu dahil sa lumalalang geopolitical at economic uncertainties dulot ng krisis sa Middle East.
Sinabi ni Pres Marcos na iba ang naging takbo ng summit kumpara sa orihinal na plano ng Pilipinas nang tanggapin nito ang ASEAN chairmanship para sa 2026.
Ayon sa Pangulo, nais sana ng bansa na maipakita nang mas malawak ang kultura, hospitality, at diwa ng pagiging Pilipino, ngunit napilitan umano ang rehiyon na harapin ang mas seryosong usapin kaugnay ng pandaigdigang tensyon.
Binigyang-diin din ni Marcos na ipinakita ng mga kaganapan sa labas ng Southeast Asia kung paano mabilis naaapektuhan ang ekonomiya, energy security, at kapakanan ng mga mamamayan sa rehiyon.
Dagdag pa niya, nasusukat umano ang liderato hindi lamang sa mga planong ginagawa kundi sa kakayahang tumugon kapag biglang nagbabago ang sitwasyon sa pandaigdigang komunidad. (report by Bombo Jai)















