Nilinaw ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na legal ang mga paputok sa Bocaue, Bulacan, ngunit mahigpit na binabantayan alinsunod sa Republic Act 7183.
Layunin nitong mabawasan ang aksidente, pinsala sa ari-arian, at pagkawala ng buhay tuwing Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ginawa ng opisyal ang naturang pahayag matapos magsagawa ng ocular inspections ang mga awtoridad sa mga fireworks establishment sa Bocaue, Bulacan na kilala rin bilang ”fireworks capital.”
Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, lubos na ipinagmamalak ng Bocaue ang industriya ng mga paputok, ngunit nananatiling prayoridad parin aniya nito ang kaligtasan ng publiko.
Bukod sa mahigpit na regulasyon, nagsusulong ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng mga hakbang upang palakasin at panatilihin ang industriya ng paputok. Kabilang dito ang pagpapadali ng compliance para sa mga lehitimong negosyo, pagsasagawa ng Fireworks Summit, at pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Fernando ang planong pagbuo ng kooperatiba para sa maliliit na manufacturers, upang mapadali ang access sa puhunan, suporta ng gobyerno, at mas ligtas na produksyon.
Upang labanan ang ilegal na paggawa at bentahan ng paputok online, pinalalakas din ng mga awtoridad ang intelligence-based enforcement, pagmamanman sa mga lisensiyadong chemical dealers, at crackdown sa digital platforms.
Bukod dito nanatili paring pinagbabawal ang ilang mapanganib na firecrackers gaya ng kabase, atomic bomb, bin Laden, piccolo, at iba pa, pati na rin ang mga paputok na ipinangalan sa mga bagyo.
















