Hinimok ng National Capital Region Office (NCRPO) ang publiko na i-surrender ang hindi nagamit na firecrackers at pyrotechnic devices sa pulisya, Bureau of Fire Protection, o Explosive Ordnance Disposal (EOD) Group para sa ligtas na pagtapon.
Ayon kay NCRPO Regional Director Maj. Gen. Anthony Aberin, iwasang itapon ang mga paputok sa sariling paraan dahil may tamang proseso para dito.
Ginawa ni Aberin ang panawagan matapos makumpiska ang nasa P1.4 milyon halaga ng paputok at ang pagsabog ng paputok sa Tondo na ikinasawi ng 12-taong-gulang na bata at ikinasugat ng isa pa.
Ayon sa Manila Police District, may limang persons of interest, kabilang ang isang barangay councilor, na posibleng responsable sa itinapon na bawal na paputok na “Goodbye Philippines” o uri ng “Bin Laden.”
Patuloy ang imbestigasyon sa legal na pananagutan ng mga suspek sa ilalim ng Republic Act 7183, na nagreregulate sa paggamit ng firecrackers at pyrotechnic devices habang ang nasugatang bata ay sumasailalim pa rin sa gamutan.















