-- Advertisements --

Kinakapos na ang suplay ng mga patok na paputok tulad ng sawa, kwitis, at lucis sa tinaguriang Fireworks Capital of the Philippines sa Bocaue, Bulacan ilang araw bago ang Bagong Taon dahil sa mataas na demand at pagkaantala ng produksyon na dulot ng mga nagdaang bagyo.

Ayon sa mga nagtitinda, mas mabilis maubos ang paninda ngayong taon matapos anim lamang sa labindalawang manufacturer ang nakapag-produce dahil sa kakulangan ng sikat ng araw na kailangan sa pagpapatuyo ng kemikal.

Mahahabang pila ng mamimili ang namataan sa mga bilihan ng paputok doon, may bumibili nang maramihan at mayroon ding tingi para sa tradisyong pagsalubong sa Bagong Taon.

May ilang tindero ring nag-aalok ng reservation at delivery para sa mga suking hindi na makabiyahe papuntang Bocaue.

Nagpaalala naman ang Bureau of Fire Protection na delikado ang maling pagbiyahe ng paputok at iginiit na tanging legal na paputok lamang ang dapat ibenta at dalhin upang maiwasan ang aksidente at paglabag sa batas.

Samantala, tumaas na ng hanggang 20 porsiyento o higit pa ang presyo ng paputok mula Disyembre, at posibleng tumaas pa sa bisperas ng Bagong Taon habang patuloy na nauubos ang suplay.