-- Advertisements --

Kinumpirma ng Manila Police District na tukoy na nila ang persons of interest (POI) sa likod ng sumabog na paputok sa Tondo, Manila na ikinasawi ng isang bata.

Ayon kay MPD spokesperson PMajor Philipp Ines, ilan sa mga persons of interest ang natukoy na nag-iwan umano ng mga paputok sa lugar.

Tinitignan na rin aniya kung mayroong magiging kriminal na pananagutan ang mga ito. Sa ngayon, inaantay pa aniya ang POI na magbigay ng kanilang salaysay sa insidente.

Matatandaan, nangyari ang pagsabog ng paputok noong gabi ng Linggo, malapit sa corner ng Lorenzo Street at Jose Abad Santos Avenue sa Tondo.

Pasado alas-8:00 ng gabi nang mapaulat na naglalakad sa lugar ang 2 bata nang makita nila ang mga paputok na nakakalat sa may bangketa.

Lumalabas sa imbestigasyon na sinindihan umano ng isa sa mga bata ang paputok gamit ang isang disposable lighter na nagresulta sa pagsabog, na ikinasawi ng isa habang nagtamo naman ng injuries ang isang bata na kasalukuyan pa ring naka-confine sa ospital at sumasailalim sa medikal na gamutan.