-- Advertisements --

Wala pang limang minuto, mabilis na inaprubahan sa plenaryo ng Senado ang panukalang pondo ng Office of the President (OP) na aabot sa P27.3 billion at ang P854 million na budget ng Presidential Management Staff (PMS) para sa 2026.

Sa plenary deliberations ng Senado para sa budget ng tanggapan ng pangulo para sa susunod na taon, nagkasundo ang mga senador na iendorso ang budget ng OP at PMS para sa pag-apruba sa ikalawang pagbasa. 

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian, ito na ang ikaapat na pagkakataong humarap sa Senado si Executive Secretary Ralph Recto, na kamakailan lamang ay nagsilbi bilang kalihim ng Department of Finance (DOF).

Nagmosyon naman si Senador Jinggoy Estrada na tapusin ang interpelasyon para sa OP at PMS budgets bilang pagpapakita ng institutional courtesy sa ehekutibong sangay—na kapantay ng lehislatura—at bilang paggalang na rin sa Pangulo, na dati nilang kasama sa Senado noong 15th at 16th Congress.

Tumaas ng 66.2 million ang budget ng tanggapan ng pangulo dahil malaking bahagi nito ay ilalaan para sa pag-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa susunod na taon.